Hindi na papayagan na magtinda ang street vendors sa anumang bahagi ng two-kilometer stretch ng Baywalk sa Roxas Boulevard, ayon sa pamahalaang lungsod ng Manila kahapon.
Ginawa ng city government ang paglilinaw matapos na mag-rally ang isang grupo ng vendors sa tapat ng Manila Police District (MPD) headquarters noong Miyerkules para iprotesta ang umano’y extortion activities ng ilang pulis.
Ayon kay lawyer Fortune Mayuga, chief ng Bureau of Permits, na ang buong Roxas Boulevard na sakop ng Manila ay isang vendor-free zone.
“If they say they’re from Baywalk, which they claim they were, wala pong in-issue ang city last year or this year na vending permit sa mga vendors kasi ayaw po ni Mayor (Joseph Estrada),” sabi ni Mayuga.
“Lahat ng park hindi po namin pinapayagan ang vendors, so Baywalk po is considered a park so ‘di ko po alam kung ano ‘yung sinasabi nilang meron silang permit,” dagdag pa niya.
Pinabulaanan din ni Mayuga ang sinasabi ng vendors na nagbabayad sila ng P1,500 para sa hawker’s permit na pirmado ni Mayor Estrada.
Sinabi pa niya na ang mga nagprotesta, sa pamumuno ng Kadamay Manila at United Vendors Alliance, ay hindi kumuha ng permit para magsagawa ng rally noong Miyerkules.
Inakusahan ng vendors ang ilang miyembro ng MPD na nangongotong ng P100 hanggang P200 mula sa mga nagtitinda sa Ermita, Manila, araw-araw. (Cris G. Odronia)