SA wakas ay nagsimula nang gumiling ang kamera para sa pagbabalik-pelikula ng premyadong direktor na si Mike de Leon, ang “Citizen Jake” na pinagbibidahan ni Atom Araullo na gumaganap bilang news reporter ng isang investigative crime story na may implikasyon ng pulitika.
After 17 long years mula nang ipalabas ang last movie niyang “Bayaning Third World” noong 2000, excited ang showbiz industry sa masayang balitang balik-trabaho ang multi-awarded master director.
Noong March 17, Biyernes, ang first shooting day ng “Citizen Jake”, at ilan sa mga eksenang kasalukuyang kinukunan ay sa Baguio City.
Ang tema ng “Citizen Jake” ay iikot sa kuwento ng mga citizen journalists, ng social media sa panahon ngayon, at pulitika sa bansa.
Powerhouse cast ang bumubuo ng sinasabing bagong obra ni Direk Mike, na ang sabi’y maaaring “swan song” o last film na niya.
Kasama ni Atom ang award-winning actors na sina Cherie Gil, Dina Bonnevie, Nonie Buencamino, Lou Veloso.
Tampok rin sa cast sina Victor Neri, Gabby Eigenmann, Luis Alandy, Max Collins, Richard Quan, Anna Luna, at Teroy Guzman.
Hindi lang basta umaarte rito si Atom, kundi nakipag-collaborate rin siya kay Direk Mike at sa writer na si Noel Pascual sa pagbuo ng screenplay, na “intense” kung i-describe ni Atom.
“I believe in Direk Mike’s ability to produce films of exceptional quality that are always imbued with social relevance,” saad ni Atom sa isang interview, kunsaan sinabi niyang “genius” ang batikang filmmaker.
Kabilang sa Pinoy classic films na pinamahalaan ni Direk Mike ay “Kisapmata”, “Batch ’81”, “Sister Stella L.”, “Kakabakaba Ka Ba?”, “Kung Mangarap Ka’t Magising,” at iba pa.
Samantala, kamakailan lang ay nag-resign na nga si Atom bilang news reporter ng ABS-CBN pagkalipas ng ilang taon.
Ayon sa kanyang official statement, “to explore other areas of media and to grow as a journalist” ang dahilan ng kanyang pagbitiw sa nasabing trabaho sa Kapamilya network.
“However, I continue to work with the network and our programs. My political views were not a factor in making this decision,” bahagi ng nasabing statement ni Atom. (MELL T. NAVARRO)