TARLAC CITY (PIA) – Magsisilbing host bukas ang Tarlac State University ng kauna-unahang ASEAN Campus Forum ng Philippine Information Agency o PIA Region 3.
Ayon kay PIA Regional Director William Beltran, layunin ng mga campus forum na ipaalam at hingin ang suporta ng mga kabataan sa Philippine Chairmanship ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN ngayong 2017.
Tampok sa bawat forum ang diskusyon ng Department of Foreign Affairs patungkol sa Political-Security Community Pillar, Department of Trade and Industry patungkol sa Economic Community Pillar, at Department of Social Welfare and Development patungkol sa Socio-Cultural Community Pillar.
May On-the-Spot Poster Making contest rin na idaraos para sa mga estudyante ng Host University o College bilang ancillary activity.
Magkakaroon ng exhibit ang mga entry at i-aanunsyo ang mga nanalo sa Campus Forum proper.