MALOLOS, Bulacan (PIA) – Magagamit na ng mga uuwing motorista, biyahero at bakasyonista ngayong mga mahal na araw ang bagong ikatlong linya ng North Luzon Expressway o NLEX mula sa Sta. Rita sa bayan ng Guiguinto hanggang lungsod ng San Fernando sa Pampanga.
Ito ang kinumpirma ni Rodrigo Franco, Pangulo ng NLEX Corporation, sa muling paglunsad ng Safe Trip Mo, Sagot Ko, bilang paghahanda sa nalalapit na mga mahal na araw mula Abril 7 hanggang 17, 2017.
Aniya, malaki ang maitutulong ng mas malapad na NLEX sa pagbuhos ng mga motorista ngayong Holy Week pagkat inaasahang tataas ng 15 porsyento ang bilang ng mga sasakyan mula sa regular na 250,000 mga sasakyan kada araw.
Ganito rin ang ginawa sa limang kilometrong Candaba Viaduct mula sa Pulilan, Bulacan hanggang Apalit, Pampanga.
Ang dating dalawang linya na may shoulder, ginawa nang ganap na kalsada bilang ikatlong linya ang dating shoulder kaya’t tig-tatlong linya na ang magkabilang panig ng nasabing viaduct.
Tapos na rin ang itinayong emergency bay sa tabi ng Candaba Viaduct upang magsilbing pansamantalang tabihan o paradahan ng mga sasakyang may emergency situation.