Matapos na mag-distribute ng electric tricycles, pinag-iisipan ni Manila Mayor Joseph Estrada na bigyan ng electric jeepneys ang mga jeepney drivers na naninirahan sa lungsod.
Sinabi ni Estrada na nakikisimpatiya siya sa kalagayan ng jeepney drivers na lubos na nabibigatan sa tumataas na halaga ng fuel, spare parts at gastusin sa pag-maintain ng sasakyan, bukod pa sa humigit-kumulang na P1,000 boundary na ibinibigay nila kada araw sa kanilang operators.
Ayon kay Estrada, ang e-jeepney, katulad rin ng electric tricycles (E-trikes) na sinimulan niyang ipamahagi sa mahihirap ng tricycle at pedicab drivers, ay mas mabuti kumpara sa de gasolinang jeepney dahil hindi ito kumukunsumo ng mahal na fuel, wala rin itong ingay at usok.
Kung matutuloy ang planong e-jeepney project, sinabi ni Estrada na ipapatupad niya ang “drive-to-own” financing scheme tulad ng ginawa sa E-trike project kung saan ang driver-recipient ay magbabayad lamang ng P150 boundary araw-araw na walang interest. (Jaime Rose R. Aberia)