LAST April 9 (Linggo) ay na-tapos na ni Alfred Vargas ang indie film niyang “Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa”, official entry sa Full Length Film Category ng Cinemalaya Independent Film Festival 2017.
“It’s a wrap” na nga para sa ilang araw ring pagpupuyat, pagtitiyaga, at sakripisyo ng lahat ng involved sa produksyon na ito ng writer-director na si Perry Escaño, na isa ring theater, film, and television actor. Ito ang kanyang directorial debut.
Sa Tanay, Rizal ang location ng ilang mga “madudugong mga eksenang” kinunan para sa buong cast ng nasabing pelikula, kunsaan ang mga co-lead actors ni Vargas ay mga award-winning child actors na sina Miggs Cuaderno, Marc Justine Alvarez, at Micko Laurente.
Sa kabisihan ni Alfred bilang Quezon City Congressman ay hindi pa rin nawawala sa puso at passion nito ang pagiging isang alagad ng sining, kung kaya’t nang mai-offer sa kanya ang role at agad niyang nagustuhan ang script ay ginawan niya ng paraan ang kanyang busy schedule.
Tuwing araw lang ng Linggo naganap ang shooting (with intervals) dahil ang weekdays nga ni Alfred ay nakalaan sa kanyang trabaho naman bilang congressman.
Dahil last shooting day, nag-treat si Alfred ng masarap na lechon para sa dinner nu’ng gabing ‘yon na ikinatuwa ng lahat.
For the record, “suki” na si Alfred ng taunang Cinemalaya, at aniya, malaking karangalan para sa kanya ang laging magkaroon ng entry sa nasabing prestigious indie film festival sa bansa.
Ika-limang Cinemalaya film na niya ang “Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa”, kunsaan ang role niya ay isang magsasakang nagpanggap na “teacher” kahit na illiterate ito, ma-save lamang ang mga bata na maging child warriors sa kabundukan.
Ang unang apat na Cinemalaya movies ni Alfred ay: “Colorum” ni Jobin Ballesteros (2009), “Teoriya” ni Zurich Chan (2011), “Ang Paglilitis Ni Andres Bonifacio” ni Mario O’hara (2010), at “Separados” ni GB Sampedro (2014).
Now on its 13th year, ang Cinemalaya 2017 festival ay itatanghal sa CCP Theaters at Ayala Cinemas mula August 4 to 13.
Head organizers ng festival sina Laurice Guillen bilang Cinemalaya Foundation President, Chris Millado bilang Festival Director, at Mel Chionglo bilang Competition Director. (Mell T. Navarro)