Na-recover ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang ilang materials na pinaniniwalaang gamit sa paggawa ng explosive devices sa isang bahay malapit sa Islamic Center sa Quiapo, Manila, kahapon ng umaga.
Sinabi ni MPD chief Senior Supt. Joel Napoleon Coronel na nakatanggap sila ng report na isang lalaki ang rumenta sa isang bahay sa Barangay 648, Zone 67, na may link sa terorismo.
Sinalakay ng Special Weapons and Tactics (SWAT) at District’s Police Intelligence and Operations Unit (DPIOU) ang naturang bahay na katabi ng isang basketball court dakong 3 a.m.
Natagpuan ng police doon ang isang bag na naglalaman ng materials para sa paggawa ng bomba. Walang nakitang tao sa loob ng bahay.
Tumanggi si Chief Inspector Rosalino Ibay, head ng MPD- DPIOU, na magbigay ng dagdag na detalye tungkol sa kanilang operation para hindi maapektuhan ang kanilang patuloy na imbestigasyon.
Samantala, tinitingnan pa ng police kung may kinalaman ang mga natagpuang bomb materials sa pagsabog na naganap sa Quiapo district noong April 28 na nakasugat ng 13 katao. (Analou de Vera)