Hindi raw takot malaos ang sikat na Kapamilya TV host na si Boy Abunda. Gayunpaman, alam niya raw na darating din ang puntong ito sa kanyang career at handa siya.
“Hindi siguro ako natatakot malaos, pero alam ko malalaos ako. I know I will be a has been. Manager ako, alam ko na hindi ka parati sikat. But I will make sure that I will be a fabulous has been. Bakit hindi ako takot? Because I’m blessed. Malaos man ako, it is an admission that I was there. I had my time, I was centerstaged, I was on top. It is a natural law to go down. And you know what, going down is okay. Lahat ng umaakyat, bumababa. Ang nabubuhay, tumatanda, pumapanaw. That’s the natural law,” sabi ni Boy nang mag-guest siya sa ABS-CBN morning talk show na Magandang Buhay.
Malaos ka man, dapat daw ay may mas mahalaga kang alalahanin o isipin. “Ang maganda nito ay ano ba ang iniwanan mo. Anong klaseng tao ka ba? Sabi nga ni… was that Oprah or Maya Angelou, who said, ‘People will forget what you did. People will forget what you said. But people will not forget how you made them feel.’”
Samantala, naging emosyonal naman si Boy sa mensahe ng pasasalamat ng mag-inang Daniel Padilla at Karla Estrada, na isa sa hosts ng Magandang Buhay. Dahil ito sa ginawang pagtulong sa kanila ng TV host noong nagsisimula pa lang sa showbiz si Daniel.
Ayon nga kay Daniel, “Simula pa lang noong unang interview mo sa akin ‘The Buzz’ sa ‘Gimik 2010,’ talagang naramdaman ko na ang pagmamahal mo sa akin at kay Kathryn (Bernardo). Yung tulong, mga payo mo sa akin, marami akong natutunan sa iyo Tito Boy, tuwing nag-uusap tayong dalawa. Isa kang idol, napakagaling mong tao. Kaya wala akong masabi kung hindi thank you sa pagmamahal mo sa amin, sa pagprotekta sa amin at yung pagmamahal mo ang the best. So thank you, Tito Boy.”
Ganun na lang ang malasakit ni Boy kay Daniel dahil nakita niya raw ang paghihirap noon ni Karla, na naging malapit na rin sa puso niya. “I’m very emotional about DJ (Daniel) because I’m so proud that Karla raised her children, including DJ, to be very good people. I’m very emotional because Karla represents a story of inspiration. Tinitignan ko ang babaeng ito nagbibiro, nagloloka-lokohan, pero beneath all these is a story of a woman who persevered, who fought back to the best she could because she wanted the best life for her children. In the same way na wala po akong inatrasang laban because I want the best life for my mother, it’s that commonality. His mother has had so much pain to last her a lifetime. They both deserve to be happy,” sabi ni Boy. (GLEN P. SIBONGA)