Limang katao ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) agents dahil sa illegal race betting operations sa Manila.
Kinilala ng NBI ang mga inaresto na sina Reynaldo Nazareth, ang manager ng operations; Clordeliza Caguioa, Arlene Tin Tee at Rose Marzan Fernandez, bet collectors; at Anthony Razal Moran, runner.
Dinakip ang mga suspek noong Biyernes ng gabi sa operations ng NBI-Anti-Organized Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) agents sa Sta. Cruz, Manila.
Ang pag-aresto sa mga suspek ay isinagawa base sa tulong na hiningi ng Games and Amusement Board (GAB) Chairman Abraham Kahlil Mitra para mapatigil ang illegal bookie operations sa naturang lugar.
Sinabi ni Mitra na pinatuyan ng GAB Horse and Racing Division na walang permiso at lisensiya ang bookie operations ng mga suspek.
Sinampahan ng kaso ang limang suspek sa Office of the Prosecutor of Manila dahil sa paglabag sa Presidential Decree 1602 (Prescribing Stiffer Penalties on Illegal Gambling) as amended by Republic Act 9287 (An Act Increasing Penalties for Illegal Numbers Games).
Anim hanggang 12 taong pagkabilanggo ang ipapataw sa mga suspek kung sakaling mapatunayan ng korte ang kasong isinampa sa kanila. (Jeffrey G. Damicog)