Kahit 45-years old na, hindi pa rin nawawala ang pagiging action star ng aktor na si Zoren Legaspi.
Dahil sa pagganap ni Zoren bilang si Bathalang Emre sa GMA primetime telefantasya na “Encantadia”, bumalik ito sa kanyang action star training dahil sa mahihirap na fight scenes na kanyang ginagawa sa naturang telefantasya.
Sa isang fight rehearsal niya with Wushu expert, Janice Hung (na gumaganap bilang si Bathalumang Ether), hindi sinasadyang masipa siya sa mukha nito.
Ayon pa kay Zoren, natural daw na may nangyayaring gano’ng aksidente lalo na kapag fight scene ang kinukunan.
“Old school kami na nanggaling sa mga action movies so sanay kami sa hirap.
“Actually, dito ilang beses na ako nasipa sa mukha.
“Kaya dapat physically ay prepared ka dahil very demanding ang mga eksena sa ‘Encantadia’,” ngiti pa ng aktor.
Isa si Zoren sa mga sumikat na young action stars noong dekada ’90 at pinagbidahan nito ang mga action films na “Pretty Boy Hoodlum”, “Shotgun Banjo”, “Ipaglaban Mo Ako Boy Topak”, “Tikboy Tikas”, “Duwelo”, “Kung Marunong Kang Magdasal…Umpisahan Mo Na”, “Bandido”, “Alyas Big Time”, “Nag-aapoy Na Laman”, “Bayolente”, “Baliktaran” at “Laban Kung Laban”.
Noong hindi na raw uso ang paggawa ng action films, hindi naman tumigil si Zoren sa pag-alaga ng katawan niya.
“Ang pinaka-exercise ko ngayon ay ang biking.
“’Yun ang isang kailangan matutunan talaga ng artista, kailangan year-long inaalagaan mo ‘yung katawan mo, kasi may mga roles talaga na dadating na kailangan physically ready ka.
“Tulad dito nga sa ‘Encantadia’, kailangan maliksi at mabilis pa rin ang kilos mo.
“Hindi ko naman nakakalimutan ang mga naging training ko 25 years ago,” diin pa ni Zoren.
Ikinatutuwa naman ni Zoren ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga televiewers ng “Encantadia”.
Nababasa raw siya sa social media ang magandang feedback sa kanyang character na si Emre.
“When I go out, they call me Emre and that makes me happy.
“Ang bilis ng tatak, maganda naman ‘yung feedback kaya natutuwa ako, kaya lalo ako na-excite.
“I’m thankful sa GMA-7 kasi muli nila akong binigyan ng project.
“Because of this role, nalaman ng mga millenials na dati pala akong action star,” pagtapos pa ni Zoren Legaspi.
(Ruel J. Mendoza)