Kalaboso ang bagsak ng isang hinihinalang miyembro ng “budol-budol gang” matapos niyang pagtangkaang lokohin ang isang taxi driver sa Binondo, Manila, noong Miyerkules ng gabi.
Base sa report na ibinigay kay Superintendent Amante Baraquiel Daro, Meisic Police Station chief, ang suspect ay nakilalang si Jaime dela Cruz, 30, nakatira sa Maricaban, Pasay City.
Sinabi sa police ng biktimang si Rhoderick Mongado, 42, na sumakay si Dela Cruz sa kaniyang taxi sa Sto. Cristo Street, Binondo, dakong 7:30 p.m. at nagpahatid sa Divisoria para bumili ng imported na prutas.
Habang bumibiyahe, ipinangako ni Dela Cruz na babayaran niya si Mongado ng P1,000 taxi fare.
Habang binabagtas ang Sto. Cristo Street, nakiusap si Dela Cruz kay Mongado na pautangin muna siya ng P1,000 at ibabalik niya kaagad.
Ibinigay ni Mongado ang hinihiram na pera ni Dela Cruz.
Nang makuha ang P1,000, bumaba ng taxi si Dela Cruz at nawala sa paningin ng taxi driver.
Nang mapagtanto na naloko siya ni Dela Cruz, agad na humingi ng tulong si Mongado sa nagpa-patrol na police para mahuli ang suspect.
Nadakip si Dela Cruz habang pasakay ng jeep papuntang Baclaran.
Nakuha sa sa bulsa ng pantaloon ni Dela Cruz ang P1,000 bill na kinuha niya sa taxi driver.
Dinala si Dela Cruz sa Meisic Police Station at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa City Prosecutor’s Office. (Analou De Vera)