MAGBABALIK si Direk Brillante Mendoza sa prestihiyosong Cannes International Film Festival sa May 21-23 hindi bilang participant sa film competition, kundi bilang mentor ng upcoming filmmakers mula sa iba’t ibang bansa.
Dahil dito gagawa ng panibagong kasaysayan si Direk Brillante bilang kauna-unahang Filipino director na naimbitahan ng Institut Francais para maging “Godfather” sa 9th edition ng La Fabrique des Cinemas du Monde, na bahagi ng Cannes.
Unang gumawa ng kasaysayan sa Cannes si Direk Brillante bilang kauna-unahang Pilipino na nanalo ng Best Director award para sa pelikula niyang “Kinatay” noong 2009. Naipalabas din sa Cannes ang iba pa niyang pelikula kabilang na ang “Foster Child” (Directors’ Fortnight – 2007), “Serbis” (2008), at “Taklub” (Un Certain Regard – 2015). Noong isang taon, ang pelikula niyang “Ma’ Rosa” ay napabilang sa main competition ng 2016 Cannes, kung saan nanalo naman si Jaclyn Jose ng Best Actress award.
Wala man siyang entry sa Cannes ngayong taon, malaking karangalan naman para kay Direk Brillante na mapiling Godfather o mentor para sa La Fabrique des Cinemas du Monde, isang professional program set up by Institut Francais’ Cinema Department para i-encourage ang mga rising new breed of filmmakers mula sa iba’t ibang bansa.
Ano ang feeling niya na may bago na siyang titulo ngayon bilang Godfather sa Cannes? “Oo nga e, parang patanda nang patanda e,” biro ni Direk. “Ewan ko, ano lang iyan… I mean, of course, they have to call you that kasi ako ‘yung magme-mentor sa kanila.”
Ang gagawin ba niyang pagme-mentor ay parang seminar sa filmmaking? “Para siyang ganun. Ipinadala na nila sa akin ‘yung mga scripts nila, ‘yung mga director’s statement, director’s treatment nila. So, alam ko na ‘yung mga project nila bago pa ako magpunta doon. Napag-aralan ko na iyon. It’s just a three day affair from May 21-23. I will sit down with them, sit down with their producers, mga creative staff nila, to talk about the film. Yung mga films na ito hindi pa nila nagagawa, pini-pitch pa lang nila. Pero bago nila i-pitch sa ibang major film companies, kino-consult muna nila sa akin,” paliwanag ni Direk.
Nakausap namin si Direk Brillante sa special screening ng “Brillante Mendoza Presents: Panata” noong May 17 sa Director’s Club sa Mega Fashion Hall ng SM Megamall. Sa event na ito inanunsiyo ang imbitasyon kay Direk na maging Godfather sa La Fabrique des Cinemas du Monde. Matapos maipalabas ang “Tsinoy” noong Pebrero, ang “Everlasting” noong Marso, at ang “Pagtatapos” noong Abril, pang-apat na handog na ng “Brillante Mendoza Presents” ang “Panata”, na mapapanood sa May 27, 10:30 pm, sa TV5. (Glen P. Sibonga)