HINDI napigilan ng mahusay na aktres na si Alessandra de Rossi na mapaiyak habang siya ay nagsasalita sa eulogy ng yumaong direktor na si Gil M. Portes sa una at huling gabi ng lamay nito sa Metro Manila noong Sabado, May 24 sa Holy Trinity Memorial Chapel sa Sucat, Parañaque.
Halos patapos na ang pagsi-share ng kanilang life experiences sa namayapang batikang direktor nang dumating si Alessandra, kasama si Marc Abaya.
“Kailangan ko ba talagang magsalita?” unang hirit ni Alessandra, na halatang pinapa-good mood lang ang sarili, kahit obvious ang lungkot sa mga mata nito sa pagpanaw ni Direk Gil.
Kuwento ni Alessandra, “Lately ko lang na-realize na siya pala ang direktor na may pinakamarami akong nagawang pelikula.”
Sa filmography ni Alessandra under Direk Gil, nagawa nito ang “Mga Munting Tinig” (2002) na isa sa most awarded film nila, “Homecoming” (2003), “Barcelona” (2006), at “Liars” (2012).
Lahat ng ito ay under her manager that time na si Manny Valera who handled her for 17 long years and gave her a string of acting awards.
“Sabi ni Direk Gil, favorite actress daw niya ako. Ang dami naming pinagsamahan. Nasigawan na rin niya ako sa set, pero okey lang ‘yun, dahil kung kilala ninyo si Direk Gil, ganoon lang talaga siya. Pero may puso ‘yan.
“Salamat, Direk Gil, dahil kahit na marami pang ibang mas sikat na artista, pinaglalaban mo ako para sa mga pelikula natin.
“Pina-block na rin niya ang month of May ko, dahil gagawin daw namin ‘yung ‘Mindanao’. Naghintay lang ako. Tapos, tumawag siya uli, July na raw ang shooting. Tapos, ito nga ang nangyari. Nagka-Martial Law na rin sa Mindanao.”
Isa pang mas naunang naging “signature actress” ni Direk Gil (from ‘80s to ‘90s) na dumalo sa wake ay si Gina Alajar na nag-share rin sa eulogy nito.
Ang mga pelikulang pinagsamahan nina Direk Gil at Gina ay: “High School Scandal” (1981), “Gabi Kung Sumikat Ang Araw” (1983), “Bukas, May Pangarap” (1984), “Birds Of Prey” (1988), “Andrea, Paano Ba Ang Maging Isang Ina” (1990), at “Mulanay: Sa Pusod Ng Paraiso” (1996).
Sa sharing ni Gina, nagbalik-tanaw rin ito sa magagandang ala-ala niya sa yumaong master director na sinasabing “epitome of a true indie filmmaker”.
Hindi rin nawala ang isa pang “signature actor” ni Direk na si Ricky Davao, na nagbigay sa kanya ng record of five (repeat, five) Best Actor awards para sa “Saranggola” (1999).
“Nagulat ako noong in-offer sa akin ni Direk Gil ang ‘Saranggola’, dahil marami rin namang ibang mas bankable sa aking actors at that time.
“Pero pinagkatiwalaan niya ako for that film. At dahil sa pelikulang ‘yun, it changed my life, dumating ang maraming blessings.
“Maraming salamat sa pagmamahal at tiwala, Direk. Hanggang sa muli nating pagkikita, pero ‘wag muna ngayon,” sambit ni Ricky.
Masaya ring nagbalik-tanaw si Direk Joel Lamangan: “Sa isang wake noon, nagpunta kami ni Gil. Biro niya sa akin, ‘Pag ako namatay, gusto ko, ang ibigay mo sa akin ay pinakamalaking flower arrangement, ha?’
“Kaya kaninang umagang-umaga ay naghanap talaga ako ng biggest flowers, at ayan na nga po sa harap ninyo. Mission accomplished na, Gil,” kuwelang sambit ni Direk Joel.
Kinabukasan (Linggo, May 28), isang buong araw at gabi rin ang lamay ni Direk sa hometown niyang Pagbilao, Quezon.
Noong Lunes, May 29 siya dinala sa kanyang huling hantungan sa Pagbilao Catholic Cemetery.
Abot-abot ang pasasalamat ng biyudang naiwan ni Direk Gil na si Telly, at naging emotional rin ang dalawang anak niyang sina Carlo at Justin, na mula pa sa New York, USA. Umuwi sa bansa ang mag-anak para sa libing ni Direk Gil Portes. (MELL T. NAVARRO)