PARA sa Kapuso actress na si Vaness del Moral, hindi raw madali ang maging kontrabida sa isang teleserye, lalo na kung magkasunod ang teleserye na ginagawa mo.
Huling napanood si Vaness sa telefantasya na “Encantadia” bilang si Gurna. Ngayon ay kasama siya sa malaking cast ng afternoon teleserye ng GMA-7 na “Impostora”.
Ayon kay Vaness, kailangan ay pinag-aaralan ng husto ang role at doon na siya gagawa ng kanyang character. Kailangan daw ay fresh ang approach niyan sa bagong kontrabida role.
“Ang mahirap doon is ‘yung baka maging magkapareho.
“You have to really study the character, tapos kung ano man ‘yung character na ginagawa mo on the previous show, kailangan ma-let go mo ‘yun.
“Kasi baka mabitbit mo ‘yung character dito sa bago mong character. ‘Yun ‘yung isa sa mga challenging parts kapag nagkakasunod na kontrabida ‘yung role mo palagi,” diin pa ni Vaness.
Fortunately kay Vaness, bihasa na siya sa mga kontrabida roles kaya alam na niya kung ano ang dapat niyang palitan at dagdagan.
“Most of my roles kasi talagang kontrabida ako. Mabibilang ko lang sa mga daliri ko sa kamay ‘yung naging mabait ang character ko sa TV.
“I guess, mas nag-e-enjoy ako talaga sa kontrabida roles.
“Mas fun siya kaysa maging api-apihan kasi you can play with it.
“Minsan pababayaan ka ng director to create your own character. Kasama na roon ‘yung mga kilos ng kamay mo, pagtaas ng kilay, ‘yung pa-pout ng bibig mo. Package ‘yan, eh.”
Sa “Impostora”, maingay at palaaway ang character niyang si Crisel na parating inookray si Nimfa (played by Kris Bernal) dahil sa pisikal na kaanyuhan nito.
Ready na nga raw ulit na ma-bash ng netizens si Vaness dahil sa gagawin niyang pang-aapi kay Kris.
“Naku sanay na sanay na ako. Handa na ako sa kanila.
“Magugulat ako kung wala akong matanggap bashing, ‘di ba?
“Naa-amuse na lang ako sa kanila. Kasi they have the time to do that kesa sa ibang bagay, ‘di ba?
“At least, pinapanood nila kami and that is what’s important,” pagtapos pa ni Vaness. (RUEL J. MENDOZA)