CALAPAN, Oriental Mindoro (PIA) – Naging positibo ang reaksyon ng bumisitang evaluator ng Climate Resilient Green Growth Project (CRGG) mula sa Global Green Growth Institute (GGGI) kaugnay sa pagpapatupad ng CRGG Planning Project sa lalawigan.
Si Peter King, isang Australian, ang ipinadalang evaluator ng GGGI upang itasa ang mga pamamaraan, polisiya at pagpapatakbo ng CRGG project sa lalawigan sa pakikipagtuwang ng CRGG sa Pamahalaang Panlalawigan.
Sa iprinisentang programa at sa pakikipanayam nito sa mga kasapi ng CRGG Provincial Project Team na kinatawan ni Provincial Planning and Development Coordinator Lydia Muñeca S. Melgar, nagpahayag ito ng paghanga sa sistemang pinaiiral at mga inisyatiba ng pamahalaang lokal hinggil sa pagpapatupad ng mga programang tutugon sa climate change kahit noong wala pa man ang CRGG sa lalawigan.
Kabilang sa mga programang ipinatutupad ngayon ng lalawigan ay ang pagtatanim ng puno, coastal cleanup, community-based training sa mga barangay, koordinasyon sa mga paaralan, at ang malawakang kampanya nito laban sa climate change sa pamamagitan ng radyo at lokal na telebisyon.