By Glen P. Sibonga
FIRST movie ng Kapamilya actor na si McCoy de Leon ang science-fiction drama na “Instalado”, na isa sa anim na finalists sa 2nd TOFARM Film Festival 2017. Nagpapasalamat nga si McCoy sa break na ito sa TOFARM sa pamumuno ng Festival Director na si Maryo J. delos Reyes at ni Dr. Milagros O. How, TOFARM Chief Advocate at Executive Vice-President ng Universal Harvester Inc. Big blessing daw ito sa isang baguhang katulad niya.
“Nakakatuwa isipin na gu-magawa ka ng proyekto at the same time nakakatulong ka sa kapwa mo po sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mensaheng nakapaloob sa aming pelikula. Mas lalo kong gustong pursigihing suportahan ang TOFARM Film Festival at sa susunod pa nilang festivals. Kasi first movie ko ito, kumbaga sa buong buhay ko ‘yung unang palabas ko ang TOFARM ang nagbigay ng opportunity, ng break sa akin,” sabi ni McCoy.
Kasama rin sa pinasasalamatan niya ang direktor ng “Instalado” na si Jason Paul Laxamana, na pumili sa kanya para maging isa sa mga bida ng pelikula kasama sina Junjun Quintana at Francis Magundayao.
Ang “Instalado” ay isang sci-fi at futuristic movie kung saan ang dominant form of education ay sa pamamagitan ng installation. Isang knowledge chip ang ini-install sa utak ng tao upang instant na magkaroon ng kaalaman at hindi na kinakailangang mag-aral. Ginagampanan ni McCoy ang role ni Victor, isang magsasaka na nais iahon sa kahirapan ang pamilya niya. Hanggang sa magkita sila ng kanyang childhood friend na isang Instalado at kukumbinsihin siya nitong sumailalim na rin sa installation upang maging maganda ang buhay niya.
Bukod sa “Instalado”, kabilang din sa TOFARM Film Festival 2017 finalists ang “Baklad” ni Topel Lee, “High Tide” ni Tara Illenberger, “Kamunggai” ni Vic Acedillo Jr., “Sinandomeng” ni Byron Bryant, at “What Home Feels Like” ni Joseph Abello. Mapapanood ang anim na entries sa TOFARM Film Festival 2017 sa selected cinemas mula July 12 to 18. Magaganap naman ang awards night sa July 16.