By GLEN P. SIBONGA
HINDI inakala ni Ara Mina na mao-offer-an pa siya ng bigatin at mapaghamong role sa pelikula. Huli niya raw naramdaman ang ganitong kakaibang excitement sa 2003 movie niyang “Ang Huling Birhen sa Lupa,” kung saan humakot siya ng Best Actress awards sa iba’t ibang award-giving bodies.
Kaya nang dumating ang offer para gampanan ang very challenging role sa pelikulang “Immaculada: Pag-ibig ng Isang Ina” ay buong-puso niya itong tinanggap. Ang pelikula ay sa ilalim ng direksyon ni Arlyn dela Cruz at mula sa produksyon ng Blank Pages Productions at Kapandesal Events & Productions Inc.
“Maraming twists ‘yung pelikula kaya nung binabasa ko hindi ko na nabitawan ‘yung script. Tuloy-tuloy ko siyang binabasa kasi very curious din ako sa tema at sa istorya. Kakaiba siya sa mga pelikulang ginawa ko. Marami na rin akong pelikulang ginawa na mabibigat ang tema, pero ito ang isa sa masasabi kong mabigat,” sabi ni Ara.
Ang role niyang si Elenita ay isang mapagmahal na asawa kay Carlo (John Estrada) at inakay Raphael (Akihiro Blanco).
May mangyayari sa kanilang pamilya na susubok sa katatagan ng kani-lang samahan. Kasama rin nila sa cast sina Elizabeth Oropesa, Simon Ibarra, Jeffrey Santos, Elijah Canlas, Kyrshee Grengia, Eric Borromeo, John Robin, at marami pang iba.
May mga daring at sensual scenes si Ara sa movie. Paano siya napapayag na sasabak ulit siya sa ganitong mga eksena na matagal na niyang hindi ginagawa? “This is the first time I will be doing this role. Of course, this is not the first time na gumawa ng mga sensual scenes, siyempre mas marami pa akong nagawang mas mati-tindi before. But ‘yung demand ng character ang bigat. I’m happy na mayroon ulit ganitong project na in-offer sa akin. Kasi ang mga nauuso ngayon ‘yung mga rom-com. Pagmatagal kang nabakante, nauuhaw ka sa ganitong tema ng pelikula na mala-Lino Brocka, Ishmael Bernal.”
Hanggang saan ang limitations niya sa pagbabalik sa daring scenes? “Siyempre, I cannot do the same as before. No frontal, wala na ‘yung mga ganun. Kaila-ngan nag-e-elevate naman tayo sa mga ginagawa nating roles. And sa pelikulang ito, hindi iyon ang requirement talaga e. Ang requirement is kung paano mo ia-acting ‘yung role mo. Hindi kailangan ng sobrang daring. I can do kissing scenes, love scenes na maganda ang execution. Siyempre, nanay na rin ako, may anak na rin ako. This time talaga pinipili ko mabuti ‘yung role at saka ‘yung love ng isang ina maipapakita talaga dito,” ani Ara.