By: Anna Liza Villas-Alavaren
Sasampahan ng kaso ang isang bus conductor dahil sa umano’y tangkang panunuhol sa traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa utos ni MMDA Chairman Danilo Lim, magsasampa ang MMDA ng bribery charges laban kay Ruel Mateo sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Tinangka umano ni Mateo, conductor ng Draven Bus, na suhulan sina MMDA traffic enforcers OJ Ojano at Alex Luna ng Task Force Kapit Bisig sa Edsa, Cubao area.
Napag-alaman na sinita ng traffic enforcers ang isang bus driver dahil sa paglabag sa closed door policy. Bumaba si Mateo mula sa bus at ibinigay sa traffic enforcers ang driver’s license na may nakaipit na P100 bill.
Agad na dinala ng traffic enforcers si Mateo sa Quezon City Police Precinct 7 sa P. Tuazon Street. Sinabi ni Lim na itutuloy ng ahensiya ang pagsasampa ng kaso laban sa bus conductor.