By RUEL J. MENDOZA
MASAYANG binalita ni Zoren Legaspi na makakasama siya sa cast ng GMA-7 primetime teleserye na “I Heart Davao.”
Huling napanood si Zoren bilang si Bathalang Emre sa top-rating telefantasya na “Encantadia.”
“I was in Batanes noong tinawagan nila ako for the show. Mahirap ang communication, but I said, ‘You know, it’s a good show. Kung ano man ang role ko, sige, okay na.’
“Matagal na rin akong hindi nakagawa ng isang romantic-comedy na teleserye. Kaya excited ako to start working on ‘I Heart Davao,’” ngiti pa ni Zoren.
Noong nakaraang Sunday, napanood si Zoren kasama ang pamilya niya sa travel-reality show ng GMA NewsTV na “Road Trip.”
Iyon daw ang first time na magkakasama silang buong pamilya sa isang maganda at nakakatuwang documentary ng pagbisita nila sa Batanes.
Iyon din daw ang unang pagkakataon na mapapanood ng marami na teenagers na ang kambal na anak nila ni Carmina Villarroel na sina Maverick at Cassandra Legaspi.
“The reason why I said yes, it’s about time. I guess I owe it to the audience kasi dati nakikita nila maliit pa lang sina Mavy at Casy.
“Sabi ko, para makilala nila ang kambal, and at the same time, makita din ng audience kung gaano kasaya ang Legaspi family kapag nagta-travel.”
Matagal ding naging Kapuso si Zoren bago ito lumipat ng ibang TV network.
Lumabas ito sa mga teleserye na “Habang Kapiling Ka,” “Mulawin, Now & Forever: Ganti,” “Majika,” “Princess Charming,” “Kamandag,” “All My Life,” “Sana Ngayon Pasko,” “Machete” at “Nita Negrita.”
Naging host pa si Zoren kasama si Carmina ng celebrity talk show na “Love Ni Mister, Love Ni Misis.”
Open din daw si Zoren na bumalik sa pagdidirek ng TV show.
Ilang taon din siyang naging resident director ng GMA-7 at ang mga shows na hinawakan niya ay “Fantastik Man,” “Fantastikids” at naging second unit director siya ng “Atlantika.”