LUCENA, Quezon (PIA) – Ang pamahalaang panglungsod ng Lucena ay patuloy na tumatanggap ngayon ng mga nominasyon para sa pagpili ng Natatanging Anak ng Lucena.
Ang pagpili ng natatanging anak ay ginagawa taon-taon bago pa man sumapit ang petsang Agosto 20 o ‘araw ng Lucena’ (Lucena Day) kung saan ang pagpili at pagbibigay ng parangal sa mga mapipili ay bahagi ng pagdiriwang nito.
Nananatiling bukas ang nominasyon para sa mga natatanging Lucenahin na mayroong mahalagang kontribusyon sa iba’t-ibang sektor ng lipunan sa lungsod Layunin ng pagpili na kilalanin ang mga indibidwal na nakapag-ambag ng kanilang taglay na talino, galing at kakayanan sa ikauunlad ng Lucena sa kabuoan.
Ipinagkakaloob ang nasabing award sa mga mamamayan ng Lungsod na may mahalaga ring kontribusyon sa larangan ng edukasyon, sining at kultura, sports, agrikultura, usaping pang-kalusugan, serbisyong pampubliko, relihiyon at iba pa.