By Glen P. Sibonga
Maraming mga artista – baguhan man, beterano, o maging iyong masasabing nawalan nang career – ang natutulungan ng FPJ’s Ang Probinsyano sa pangunguna ng bida nitong si Coco Martin, sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa kanila sa naturang toprating ABS-CBN primetime teleserye. Marami nga ang nagkaroon ng break at nabuhay ang career dahil kay Coco, kaya naman itinuturing nila ang Primetime King na isang hero sa industriya.
Ano ang masasabi rito ni Coco? Bahagi ba ng kanyang adbokasiya ang tumulong sa kapwa niyaartista at iba pang taga-industriya? “Honestly, may ganundin. Kasi siguro noong bata pa ako tagahanga ako ng mga pelikula. And then siyempre ’yung mga hinahangaan mo pangarap mo rin na makatrabaho balang araw. At ngayon nabigyan ako ng opportunity dahil nga part ako ng creative ng show, nakakapag-suggest po ako, and then yung sina-suggest ko naman naaaprubahan naman po ng management. Tapos ’yung mga baguhang artista naman po, siguro dahil parang binabalikan ko po ’yung nagsisimula po ako na may mga taong nagbigay sa akin oportunidad. Sabi ko nga, ang kinakailangan naman ng bawat tao, opportunity. And then ito ’yung tamang timing, tamang pagkakataon para ako naman ’yung makapagbigay sa kanila ng oportunidad para makapagbukas ako ng pinto,” sabi ni Coco.
Dahil nga sa pagtulong na ito ni Coco sa mga taga-industriya, kaya hinimok si Coco ng dating pangulo ng Kapisanan ng mga Artistang Pilipino sa Pelikula at Telebisyon (KAPPT) na si Rez Cortez para tumakbo sana ng susunod na pangulo ng samahan. Pero tinanggihan niya ito.
Ayon kay Coco, hindi na raw niya kailangan ng posisyon para makatulong sa mga taga-industriya. “Iyon nga po nilapitan ako ni Kuya Rez, gusto niya akong patakbuhin bilang president ng Actor’s Guild. Kasi sabi ko po, napakabata ko pa po, baka hindi ko magampanan. Sabi ko, ayoko naman pong masira ’yung pangalan ko sa mga kasamahan kong artista. Sabi ko, kung ano lang po ’yung makakayanan kong maitulong. Sa pamamagitan po ng Ang Probinsyano, eto po ’yung nagiging daan ko para makatulong sa industriya po natin.”
Sa ngayon, masaya at nagpapasalamat si Coco dahil umabot na sa ika-100 weeks sa ere ang FPJ’s “Ang Probinsyano” ngayong Agosto at patuloy ito sa pagiging undisputed number one program nationwide. Mapapanood ang FPJ’s “Ang Probinsyano” mula Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN Primetime Bida.