SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) – Nakatakdang parangalan ng Cooperative Development Authority o CDA ang mga natatanging kooperatiba sa Gitnang Luzon na nagsipagwagi sa 2017 Gawad Parangal na gaganapin sa Royce Hotel sa Clark Freeport Zone.
Pangungunahan mismo nina CDA Chairman Orlando Ravanera at Regional Director Marieta Hwang ang paggawad ng plake at premyo sa mga nagsipagwagi.
Ayon kay Hwang, magsisilbing inspirasyon ang nasabing parangal para sa mga taong naging instrumento sa pagpapalago ng kani-kanilang kooperatiba.
Magsisilbi rin aniya itong inspirasyon para sa iba pang organisasyon sa pamamagitan ng paglikha ng mga modelo at pagbabahagi ng mga best practices sa kanila.
Bukod dito, ibinahagi rin niya na pangunahing layunin ng nasabing parangal na paigtingin ang kamalayan ng publiko sa mahahalagang papel ng mga kooperatiba sa pagkakamit ng katarungan, pagpapaunlad ng ekonomiya at katarungang panlipunan.
Kabilang sa mga kategorya para sa nasabing parangal ang Most Outstanding Primary Cooperatives (Micro, Small, Medium and Large Scale), Best Performing Cooperative Federations and Unions, Best Performing LGU Cooperative Development Offices at iba pa.