By: Alexandria Dennise San Juan
Kalaboso ang bagsak ng isang 27-taong gulang na lalaki matapos niyang i-hostage ang kaniyang tiyuhin habang lango sa droga sa isang public market sa Quezon City kahapon ng umaga.
Nakakulong ngayon sa Quezon City Police District Station 2 ang suspect na si Juren Capala dahil sa pangho-hostage sa kaniyang tiyuhin na si Jerry Pisngot, 55.
Ayon sa police report, agad na rumesponde ang operatives ng Police Station 2 matapos matanggap ang tawag tungkol sa hostage-taking incident sa Muñoz Market sa Roosevelt Avenue dakong 5 a.m.
Nang dumating sa lugar, nakita ng mga pulis si Capala na tinututukan ng mahabang kutsilyo ang hostage na si Pisngot.
Pagkaraan ng mahigit dalawang oras na negosasyon na pinangunahan ni PS2 commander Supt. Igmedio Bernalez, nasunggaban ng mga pulis si Capala at nailigtas ang biktima.
Isinugod sa ospital ang biktima dahil sa tinamong sugat sa leeg dulot ng kutsilyo na itinutok sa kanya ng suspek.
Ayon kay Supt. Bernaldez, humingi ng tulong si Capala sa kaniyang tiyuhin dahil may nagbabanta sa kaniyang buhay, ngunit hindi siya pinaniwalaan ng huli. Ito ang nagbunsod sa kaniya para i-hostage si Pisngot.
Inamin ni Capala na gumamit siya ng bawal na gamot bago naganap ang insidente.