By Glen P. Sibonga
Dati-rati ay award-winning director kung ipakilala si Sigrid Andrea Bernardo dahil sa kanyang short films gayun din sa pelikula niyang “Ang Huling Cha-Cha ni Anita”, na nanalo ng awards. Pero ngayon ay ipinapakilala na siya bilang box-office director matapos kumita ng mahigit sa P320 million ang idinirihe niyang “Kita Kita”, naitinuturing na Highest Grossing Indie Movie of All Time.
Kung papipiliin siya, ano ang mas gusto niya, manalo ng awards o maging box-office hit ang pelikula niya? “Ang hirap naman. Paano ba ito? Kasi mas natutuwa talaga ako pag mas maraming nanonood ng pelikula ko. Kasi ’yung awards naman hindi ko… depende kung may cash prize nakasama ’yung award, Masaya talaga ako. Pero kung wala naman, aanhin ko ba ’yun pang-paper weight. Hindi ko naman kasi gagamitin siya talaga sa totoong buhay. Pero kung may cash prize, iba, excited talaga ako,” may halong biro ni Sigrid. “Pero para sa akin importante yung paggumawa ka ng pelikula sana maipalabas ko sa iba at mas maraming makapanood. Kasi kaya nga ako nagkukuwento kasi gusto ko may iba akong mapagkuwentuhan kaysa sarili ko lang ang kakuwentuhan ko, di ba? So, nae-excite ako na mas maraming tao ngayon na willing panoorin ang iba naming kuwento. Nagugulat din ako sa viewers ngayon na maraming nanonood ng indie films na iba’t ibang kuwento. I think mas excited ako na ang Philippine Cinema ngayon e, buhay na buhay.”
Excited din si Sigrid ngayong may manager na siya. Isa siya sa limang director kasama sina Prime Cruz, Miko Livelo, Ivan Andrew Payawal, at Dominic Lim, na nasa ilalim ng pangangalaga ng The IdeaFirst Company nina Direk Jun Robles Lana at Direk Perci Intalan. “Ang gusto ko lang kina Perci at Jun, they’re also directors and alam nila yung sentiments ko as a director, lalo na yung process sa work. Lalo na ngayon na pumapasok ako sa mainstream, big production outfits, so kailangan ko ng someone to represent me na comfortable ako at maiintindihan yung process ko as a director.”
Ang susunod na pelikula ni Direk Sigrid ay ang “Mr. and Mrs. Cruz” sa ilalim ng Viva Films. Bida rito sina Ryza Cenon at JC Santos.