By: Mike U. Crismundo
BUTUAN CITY – Isa umanong miyembro ng New People’s Army (NPA) ang naaresto ng military at police sa Barangay Daywan, Claver town, Surigao del Norte, ayon sa isang police official kahapon.
Base sa report na natanggap ni Chief Supt. Rolando B. Felix, director ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13) mula kay Surigao del Norte Police Provincial Office (PPO) director Senior Supt. Antony B. Maghari, ang suspek ay nakilalang si Peter Awa Larase, alias “Ka Hector”, 30.
Hindi pumalag ang suspek nang masakote ng mga elemento ng 30th Infantry Battalion (30th IB) at Surigao del Norte Police Provincial Safety Company (SDN-PPSC) dakong 4:50 p.m. noong Sabado.
Ayon sa report, si “Ka Hector” ay miyembro ng Sparu Sosyalistang Partido ng Paggawa 16-C ng Guerilla-Front Committee 16 ng CPP-NPA.
Ang suspek ay dinakip sa bisa ng warrant na inilabas ni Judge Cesar P. Bordalba ng 10th Judicial Region Branch 29, Surigao City, noong August 18, 2016.
“The arrested suspect is wanted for multiple attempted murder under criminal case number 12058,” ayon sa police chief.
Nakakulong ang suspek sa Surigao City.