CALATRAVA, Romblon (PIA) – Kinumpirma ng Philippine Coconut Authority (PCA) Romblon na nakapasok na sa probinsiya ng Romblon ang coconut scale insect o mas kilala bilang cocolisap.
Ayon kay Protacio Rubia, Agriculturist II ng PCA – Romblon, humigit kumulang 1,000–1,500 na puno ng niyog ang sinalanta ng Cocolisap sa Barangay Pangulo sa bayan ng Calatrava at sa Barangay Carmen sa bayan ng San Agustin.
Aniya, ang mga cocolisap ay isang ‘destructive insect’ na umaatake ng mga puno ng niyog sa pamamagitan sa pagkain sa kanilang mga dahon, bunga at bulaklak kung saan tanging trunk nalang ng puno ang matitira.
Dagdag pa ni Rubia, ito ang dahilan ng pagbaba ng produksyon ng niyog sa lalawigan at posibleng mayroon pang ibang puno ng niyog sa mga karatig lugar na may cocolisap na rin.
Ayon sa talaan ng Philippine Coconut Authority–Romblon, halos 85 porsiyento ng mga magsasaka sa Romblon ay mayroong mga tanim na niyog.