By GLEN P. SIBONGA
Pabirong sinabi ni Polo Ravales na kung may pinanghihinayangan siya sa pagsasama nila ni Aiko Melendez sa pelikulang “Balatkayo,” ito ay hindi sila nagkaroon ng love scene kahit na gumaganap sila bilang mag-asawa sa movie.
“Alam mo kung ano ‘yung pinakanire-regret ko, wala kaming love scene ni Aiko. Gusto kong maka-love scene si Aiko e,” biro ni Polo sa katabing si Aiko.
Ayon naman sa aktres, na tila sumakay din sa biro ng aktor, “Grabe, nahihiya ako. Next movie, paghahandaan ko na.”
Mag-asawa silang OFWs sa “Balatkayo” pero si Polo ay nagtatrabaho sa Dubai habang si Aiko ay nasa Singapore naman. Ang anak nila na ginagampanan ni James Robert ay naiwan sa Pilipinas sa piling ng tiyahin ni Polo.
Pero ang totoong pinanghihinayangan ni Polo ay hindi sila nagkaroon ng eksena na magkasama ni Aiko. “Si Aiko kasi wala kaming eksena together. Sa telepono lang kami magka-eksena. Nakakahinayang kasi siyempre magaling na aktres si Aiko at never ko pa siyang nakatrabaho, ngayon pa lang. Ang sarap sanang makaeksena si Aiko. Pero malay mo, di ba, sa ibang project.”