Nanawagan ang Pilipino Banana Growers and Exporters Association (PBGEA) sa Department of Agriculture at Department of Trade and Industry (DTI) na isama sila sa delegasyon na makikipagkita sa government officials ng Japan sa susunod na taon.
Ayon kay PBGEA executive director Stephen Antig, nais nilang iparating ang kanilang hinaing sa Japan pagdating sa mabigat na buwis.
“If we cannot join, we fear there might be no negotiation that will take place. We know the situation better than them,” ani Antig.
Umaabot umano ng 18 percent ang kanilang tariff rates pagdating na winter months sa Japan (December to February) habang 8 percent naman ang kanilang buwis sa summer (June to August).
Nanawagan din si Antig sa gobyerno na madaliin ang negosasyon ng bansa sa global competitor Ecuador na unti-unting kinakain ang merkado ng bansa sa Japan gayundin ang South Korea, Middle East at New Zealand.
“The competition now is no longer between company versus company but country versus country,” ani Antig.
Ilan pa sa issue na kinakaharap ng banana industry ang kalamidad, peace and order at land reform. (Antonio L. Colina IV)