By GLEN P. SIBONGA
PASASALAMAT ang namumutawi sa bibig ni Joshua Garcia dahil sa sunud-sunod na blessings na natanggap niya ngayong 2017. Napakaganda nga raw ng taon na ito para sa kanya.
“Ito ‘yung taon na masasabi ko na ang dami kong natutunan, ang dami kong na-realize, at ang dami kong dapat ipagpasalamat kasi sobrang daming nangyari ngayong taon para sa akin lalo na sa career ko. And ang laking tulong lang kasi siyempre hindi lang ako ang nabe-bless dito e, pati pamilya ko,” sabi ni Joshua.
Marami nga siyang dapat ipagpasalamat katulad na lang ng hit movies na kinabilangan niya, kung saan nakapareha niya ang rumored girlfriend niyang si Julia Barretto – ang “Love You To The Stars And Back” at ang showing pa ring “Unexpectedly Yours.” Nandiyan din ang mga ABS-CBN teleseryeng pinuri ang acting niya – ang “The Greatest Love” at ang “The Good Son.” Tumanggap din siya ng awards ngayong taon, gaya na lang nang manalo siya ng Best New Male Actor sa 33rd PMPC Star Awards for Movies. Pinarangalan naman ang loveteam nila ni Julia ng German Moreno Power Tandem sa 31st PMPC Star Awards for Television.
Thankful din si Joshua sa kanyang endorsements gaya na lang ng BNY Jeans na todo ang suporta sa kanyang career. May espesyal na handog nga ang BNY kay Joshua dahil gumawa sila ng Joshua Garcia Limited Edition at Holiday Collection, na nagre-reflect sa personal style at boy-next-door appeal ng aktor. Mabibili ang collection na ito sa BNY stores simula sa Dec. 9.
“Malaking Christmas gift ito sa akin ng BNY, ‘yung magkaroon ng collection. Kasi pangarap ko ‘yung ganyan, ‘yung may pangalan na Joshua Garcia o initials ko na JG sa t-shirts, jeans, at jackets. Sobra ang pasasalamat ko sa kanila dahil lahat ng ginagawa ko sa showbiz – pelikula, TV, events, suportado nila. Feeling ko mag-stay na ako rito sa BNY forever,” ani Joshua.