By ARIEL FERNANDEZ
Sumisigaw ng hustisya ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) matapos na mamasaker ang kanyang mag-ina sa loob ng sarili nilang tahanan sa Kensington Subdivision-Phase I sa Barangay Navarro, General Trias, Cavite.
Hindi mapigil ang buhos ng luha ni Marlon Gamos nang dumating ito kahapon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 2 lulan ng eroplano mula Dubai.
Umiiyak na sinabi ni Marlon wala silang kaaway sa kanilang lugar kaya hindi siya makapaniwala sa sinapit ng kanyang asawa na si Ruby at ang kanyang pitong-taong gulang na anak na si Shaniah Nicole.
Ayon kay Marlon nakausap pa niya ang kanyang mag-ina sa Facebook Messenger nitong nakaraang Huwebes. Nag-send pa nga daw ang dalawa ng selfie sa kanya bago matulog.
Nang sumunod na mga araw hindi na aniya makontak ang kanyang asawa. Nagtaka rin aniya ang kanilang mga kamag-anak nang hindi makita sa garahea ang kotse nila nitong Sabado. Hindi rin naka-attend ng school event ang anak nito.
Pagdating ng Lunes ay inutusan na ni Marlon ang mga kamag-anak na buksan ang kanilang bahay at doon na nga natagpuan ang malamig na bangkay ng dalawa suot ang damit sa selfie na kuha nila noong huli niyang makausap ito.
Ayon sa imbestigasyon, maaring sinakal hanggang mamatay ang mag-ina dahil walang matagpuang bakas ng sugat sa alinmang parte ng kanilang katawan.
Robbery ang tinitignan motibo sa insidente sanhi ng pagkawala ng ilang gamit sa bahay, kasama na ang IPad ni Ruby, mga cellphones at alahas pati na rin ang kotse ng pamilya na pulang Toyota Wigo.
Umaapila si Marlon sa mga otoridad na bigyan hustisya ang kanyang mag-ina. Nanawagan din ito sa kung sino man ang makakapagbigay ng impormasyon na makakatulong sa imbestigasyon.