Patay ang isang city hall employee habang sugatan ang dalawa niyang kasamahan nang pagbabarilin ng apat na nakamotorsiklong kalalakihan habang nag-iinuman sa Pasay City noong Sabado ng gabi, dalawang araw bago mag-Pasko.
Kinilala ng police ang napatay na si Joselito Ocampo, 56, head ng Pasay City Mayor’s Total Clean Team (MTCT), at ang mga sugatan na sina Tristan Ocampo, 34, director ng Veronica Funeral Homes at kamag-anak ni Joselito, at Dennis Gatchalian, 52, barangay kagawad, ng Vergel Street, Pasay.
Base sa initial investigation, nag-iinuman ang tatlong biktima sa loob ng bahay ni Joselito sa No. 2244 Tramo Street, Barangay 113 dakong 8:43 p.m. bilang pagdiriwang sa birthday ng namatay na kamag-anak ng Ocampos nang biglang dumating apat na suspek.
Isa sa mga suspek ang bumaba sa motorsiklo at pinaulanan ng bala ang mga biktima sa loob ng bahay.
Ayon sa witnesses, tumayo pa si Joselito para salubungin ang mga suspek sa pag-aakalang mga bisita sila o Christmas carolers.
Nakita sa closed circuit television (CCTV) footage na tumakas ang mga suspek patungo sa EDSA, Pasay City, matapos ang pamamaril.
Isinugod ang mga biktima sa San Juan De Dios Hospital ngunit namatay si Joselito habang inooperahan.
Nakasuot ng sweatshirts with hood ang mga suspek, ayon sa police.
Sinabi ng police na walang kaaway si Joselito sa city hall. Nagsilbi siya bilang kagawad bago nabigyan ng posisyon sa city hall. (Martin A. Sadongdong)