By Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Effective ba talaga ang mga halamang gamot? Hindi ko alam kung maniniwala ako dito o magtitiwala na lang ako sa mga gamot na nabibili sa mga botika. Natatakot kasi akong gamitin ang mga halamang gamot sa mga anak ko kapag may sakit sila tulad ng ubo at sipon. Baka imbis na makatulong, lalo pang lumala ang sakit nila. Ano po ba ang maipapayo niyo sa problema ko?
Katerina ng Bulacan
Hi Katerina,
Noong unang panahon, wala pa ang mga botika! Saan sa tingin mo kumukuha ng gamot ang mga ninuno natin. Maniwala ka sa mga halamang gamot, effective ‘yan basta tama ang pagamit!
Kung ayaw mong maniwala, pumunta ka sa mga botika, ano mapapansin mo, wala silang halaman? Bakit? Kasi ayaw nilang i-promote ang kalaban nila sa negosyo! Sige lang, tiwala lang!
•
Hi Alex,
Limang taon na kami ng boyfriend ko at so far, wala naman kaming problema. Mahal niya ako at mahal ko rin siya. Paano ko po kaya malalaman kung may problema na sa relasyon namin ng boyfriend ko?
Em ng Marikina
Hi Em,
Kayo talagang mga babae, ang gugulo! Kapag walang problema, naghihintay ng problema, kapag may problema, hindi rin mapakali!
Simple lang naman paano malalaman kung may problema ang relasyon mo, kapag sumulat ka na sa akin o kaya ang boyfriend mo! Enjoy mo lang yan! Hayaan mo, ipagdadasal ko na magkaproblema kayo!
•
Hi Alex,
Nagdra-drive ako sa EDSA at may nakabanggan akong bus. Galing akong EDSA at kakanan ako papuntang Kalayaan ng masagi ako ng bus. Padiretso siya at pakanan naman ako.
Gumamit naman ako ng signal light. Sino kaya ang may kasalanan sa amin, ako o ang driver ng bus? Sana po matulungan niyo ako.
Pete ng Pasay City
Hi Pete,
Sa panahon ngayon, mahirap na malaman kung sino ang tama. Pero ngayong panahon ng social media, ito lang ang napatunayan ko, laging tama kung sino ang merong hawak ng cellphone at nagvideo!
Kung may video ka, edit mo lang, ikaw na ang tama, kapag may video ang bus driver, siya naman ang tama, ikaw ang mali!
Minsan nga hindi na uso ang tutukan ng baril, tutukan na ng video ang labanan ngayon! Sino ang may kasalanan sa inyo, ang Diyos lang ang nakakaalam!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] or facebook/twitter/instagram:
alexcalleja1007.