By Mike U. Crismundo
BUTUAN CITY – Isang ahente ng alak ang pinagnakawan at walang awang pinatay ng tatlong hindi pa nakikilalang salarin sa Purok 5, Barangay Duangan, Esperanza, Agusan del Sur, Miyerkules.
Sa flash report na natanggap ng Northeastern Mindanao Police Regional Office 13 (PRO 13) mula sa Esperanza Municipal Police Station (MPS), nakilala ang biktima na si Ralph Tyranny C. Elisan, 33, ahente ng Tanduay Corporation na nakabase sa Butuan City.
Nagtamo diumano itong si Elisan ng tatlong tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan at ulo.
Ayon sa Esperanza police, tinambangan ng mga suspek bandang alas-3 ng hapon ang biktima kasama ang dalawa pa habang binabagtas ng mga ito ang Crossing Sampaguita sa bayan ng Veruela lulan ng van ng kumpanya.
Iniutos umano ng isa sa mga suspek sa van driver na si Joven V. Estrada, 34, na magpatuloy sa pagmamaneho hanggang sa marating nila ang bayan ng Esperanza bandang alas-7 ng gabi.
“Upon reaching Purok 5, the suspects instructed Estrada and the helper Apolonio P. Jamero, 23, to run while the victim was left behind with both hands tied and blindfolded using a packaging tape,” dagdag pa ng report ng Esperanza police.
Dito na pinagbabaril ng mga suspek ang walang kalaban-laban na si Elisan.
Bago magsipagtakas, tinangay ng mga kawatan ang dala-dalang P100,000 ni Elisan.
Patuloy pa rin iniimbestigahan ng mga pulis ang pangyayari.