By MALU CADELINA MANAR
KIDAPAWAN CITY – Isinugod sa ospital Biyernes ang 36 na estudyante ng Pigkawayan high school sa Pigkawayan, Cotabato, matapos itong magsipagreklamo ng pananakit ng ulo at tiyan.
Ayon kay superintendent Omar Obas, opisyal ng Department of Education (DepEd)-Cotabato schools division, nagsimula ang lahat ng biglang magsusuka ang isang babaeng estudyante makaraan ito’y bigyan ng ferrous sulfate kasama ng kanyang mga kaklase bilang health supplement ng isang staff ng eskwelahan.
Ani Obas, “‘Di kalaunan sunod-sunod na rin nagsipagreklamo ang mga ibang estyudyante ng pananakit ng ulo at tiyan kaya’t agad silang isinugod sa pinakamalapit na ospital.”
Nguni’t ayon naman sa doktor na sumuri sa mga bata, “mass hysteria” lamang daw ang nangyari sanhi ng negatibong balita tungkol sa Dengvaxia vaccine.
Nakauwi na ang mga estudyante sa kani-kanilang mga bahay.