Binalaan ng Food and Drugs Administration (FDA) ang publiko tungkol sa malawakang paglaganap ng mga pekeng gamot sa Philippine market.
Inilabas ng FDA ang babala matapos masakote ang kahon-kahong mga pekeng gamot sa isinagawang entrapment operation sa pangunguna ni Director General Nela Charade G. Puno at ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Karamihan sa mga pekeng gamot ay mga kilalang over-the-counter medicines na ginagamit sa mga pangkaraniwang sakit gaya ng ubo, sipon, lagnat at sakit ng katawan. Ang matagumpay na operasyon ng FDA at ng CIDG ay isa lamang sa kanilang mga pagsisikap na mapangalagaan ang kalusugan ng mga tao.
Pinapurihan ng Unilab, Inc., ang nangunguna at kilalang kumpanya ng gamot sa bansa, ang FDA at CIDG.
“Binabati namin ang Food and Drug Administration sa pangunguna ni Director General Nela Charade G. Puno at ang CIDG sa matagumpay nitong entrapment operation ng mga pekeng gamot. Kami ay nakahandang makipagtulungan sa kanila upang masigurong may mananagot sa pagpapalaganap ng mga nasabing pekeng gamot,” anila.