By Glen P. Sibonga
Matapos ipamalas at patunayan ni JC Santos ang kanyang husay sa pag-arte sa telebisyon at pelikula, gusto naman niyang ibahagi sa mga tao ang kanyang talento sa musika. Sumabak na nga rin sa pagkanta si JC, na ilu-launch ang kanyang self-titled debut album under Star Music sa February 18 sa Robinsons Place Manila.
“I’m excited na there’s a part of me na pwede akong magkuwento through songs this time. Gusto ko yung idea na nagi-interpret ako ng mga bagay e, so nabigyan ako ng Star Music ng opportunity, so game! And I’m very, very thankful,” sabi ni JC.
Isa si JC sa bagong artists na ipinakilala sa mga press ng Star Music kamakailan, kasama rin sina Migz Haleco, Miko & Gab, Natsumi, at Agsunta.
May rebelasyon pa si JC tungkol sa kanyang pagkanta. “Actually, mas nauna ko pong natutunang mahalin yung music bago yung acting. Yung training ko noong nag-musical theater po ako sa New York. Nagtrabaho din po ako sa Disney, nag-Universal Studios po ako noong 2010. Tapos nag-Hong Kong Disney po ako. Ngayon pa lang po ako bumabalik and ngayon ko pa lang po ipinapaalam na singer din po ako. Maraming salamat po sa Star Music na sinuportahan po nila ako sa ganitong pagkakataon na gusto ko po talagang gawin.”
Ayon kay JC, natagalan ang pagprima niya ng recording deal sa Star Music dahil naging busy siya sa kanyang acting career. Inabot na nga ng isang taon bago siya nakapirma, pero nauna na raw niyang i-record ang mga kanta.
Ang first single ni JC na Pwede Naman ay composed by Gabriel Tagadtad and produced by Kiko Salazar. Tungkol saan ba ang Pwede Naman? “Ang masasabi ko lang e hopeful siya, parang umaasa. Yung parang unrequited love. Pwede naman, di ba? Pwede ko namang pigilan kung ayaw mo naman sa akin. Nandito pa rin naman ako, mamahalin pa rin kita.”
Sino naman ang dream niyang maka-collaborate sa pagkanta? “Iniisip nga namin e, kasi nga nagsusulat din ng kanta, gusto kong makasama si JM de Guzman. Nakasama ko siya sa theater, so gusto ko magsama rin kami sa ibang mundo para kumanta. Gusto ko rin si Kakai Bautista, yung mga kateatro ko, pati si Robert Seña.”