By ROBERT R. REQUINTINA
Natapos na ang kontrata ni Reina Hispanoamericana 2017 Teresita Marquez sa GMA 7 nitong February 15.
Ayon kay Arnold Vegafria, manager ni Marquez at franchise director ng Miss World Philippines, wala pang desisyon kung saang network pipirma ng kontrata ang international beauty queen.
“There are offers. But we will still discuss her contract,” ayon kay Vegafria, sa isang exclusive interview sa send-off ni Sophia Senoron para sa 2018 Miss Multinational beauty pageant, na ginanap sa Full Belly Restaurant sa Timog, Quezon City nitong February 15.
Pero hindi naman nilinaw ng talent manager kung mananatili pa rin ba si Marquez sa GMA 7 o lilipat na ng ibang TV network.
Mula nang pumasok si Marquez sa telebisyon noong 2010, naging tahanan na niya ang Kapuso station. Never nagpalipat-lipat si Marquez ng ibang TV station at naging loyal talaga ito sa GMA 7.
Pero mukhang nag-iba ang ihip ng hangin at mukhang kinukunsidera na nila Vegafria at Marquez ang offer ng ibang TV station.
Nang tanungin si Marquez tungkol dito, natawa na lamang sya at itinuro si Vegafria. “Siguro kay Arnold na lang kung gusto nyo ng scoop!” At muling natawa ang Pinay celebrity.
Huling lumabas si Marquez sa mga sikat na Kapuso teleserye tulad ng “Encantadia” at “Mulawin vs Ravena” noong 2017.
Ngayong mga panahon na ito, busy si Marquez sa pag-promote ng hispanic culture bilang responsibilidad nya sa Reina Hispanoamericana at mga proyekto sa Paranaque City kung saan nagtatayo sila ng mga library.
Mula nang makoronahan si Marquez bilang kauna-unahang Asian queen sa Reina Hispanoamericana sa Bolivia noong November 2017, busy rin si Marquez sa pagkampanya sa kanyang bagong pangalan.
Matatandaan gusto na nyang makilala bilang Teresita Marquez at hindi na Winwyn katulad ng nakagawian ng marami. Pero mukhang nasanay na raw ang mga tao na tawagin syang Winwyn.
Si Marquez ay anak ng veteran stars na sila Alma Moreno at Joey Marquez.
Nang tanungin kung nasa isip na ba nya ang pagpapakasal sa aktor na si Mark Herras, natawa muli si Marquez at sinabi: “Ipapasa ko muna ang korona!”