By Danny J. Estacio
LUCENA CITY, Quezon – Wala ng buhay ang isang 19-anyos na dalaga ng datnan ito Martes ng mga pulis sa loob ng motel rito.
Tadtad ang biktima ng saksak sa iba’t-ibang parte ng katawan na tila baga galit na galit sa kanya ang may kagagawan ng karumaldumal na pamamaslang.
Una ng nasakote ng guwardiya ng motel ang suspek na kinilala na si Manuel E. Pojado, isang magsasaka na nakatira sa Brgy. Ibabang Nangka, Tayabas City.
Ayon sa security guard, sabay na nag check-in sa motel bandang alas-11 ng gabi ang suspek at ang biktima na nakilala lamang sa pangalang “Ica.”
Maya-maya pa’y nakarinig ng sigawan ang mga security guard at room boys sa loob ng kuwarto ng dalawa, na tila nagkaroon ng mainitang pagtatalo.
Pinuntahan ng security guard ang kuwarto ng dalawa upang kamustahin ang mga ito nguni’t nagulat na lamang siya ng biglang lumabas si Pojado na punumpuno ng dugo at may hawak na duguan ding kutsilyo.
Nadisarmahan si Pojado bago siya kinaladkad ng mga nagrespondeng pulis.
Base sa records ng pulisya, napagalamang wanted si Pojado sa kasong frustrated homicide sa Calauag.
Dati na rin itong nakulong sa kasong arson at rape sa Talipan, Quezon.