by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Nanggaling po ako sa lamay at naniniwala po ako sa pagpag. Pero bukod sa pagpag, madami pa palang paniniwala ang mga pinoy sa lamay tulad ng huwag mag-uuwi ng pagkain mula sa lamay at hindi ka pwedeng ihatid ng namatayan. Totoo po ba ito Tito Alex at paano ba nagsimula ang mga paniniwalang ito?
Donna ng Makati
Hi Donna,
Pasensiya na pero hindi ako naniniwala dyan eh! Isa-isahin natin kung bakit. Una ang pagpag, hindi ka makakadiretso sa bahay kapag galing ka sa lamay at kailangan mo dumaan sa isang lugar muna tulad ng coffee shop o restaurant para hindi ka sundan ng kaluluwa. So anong ibig sabihin nun, lahat ng kaluluwa, sa restaurant o coffee shop napupunta? Wala pa akong nakikitang multo sa Starbucks, 7-11 or Jollibee! Pangalawa, hindi ka raw pwede ihatid ng namatayan papalabas! Susme, nakakahiya yun, walang maghahatid sa’yo, para kang gate crasher ng lamay! At pangatlo, wag ka raw mag-uuwi ng pagkain! Hindi totoo yun, gimik lang yun para hindi maubos ang pagkain sa lamay! May mga makakapal kasi ang mukha na ang akala sa lamay, fiesta na pwedeng magpabalot ng pagkain!
•
Hi Alex,
Nakakainis! Kapag nakapila ako sa ATM, ang laging nasa unahan ko ng pila, yun pa ang taong ang tagal gumamit! Bakit may mga taong ang tatagal gumamit ng ATM?
Evan ng Greenhills
Hi Evan,
Ramdam kita Evan! Naranasan ko yan! Naiintindihan ko yung mga first time gumamit pero yung mga matatagal na, dun ako inis! May iba kasi, ang tagal na nakapila, kapag nasa tapat na ng ATM, saka pala lang ilalabas ang ATM card! Pagkatapos ilabas ang ATM, ipapasok, baliktad pa! Kapag nakapasok na, hindi alam ang pin code, kukunin pa ulit sa pitaka, kasi naka-save sa papel! Amazing! Tapos, mag inquire muna ng balance, kapag nakita yung balance, hindi agad maniniwala! Uulitin pa ulit ang balance inquiry! Tapos magwiwithdraw! Hindi pa sigurado kung magkano ang amount! Buburahin! Ika-cancel! Tapos uulitin ang balance inquiry! My god! Tapos withdraw! Bibilangin ang pera, ilalagay sa wallet, tapos balance inquiry! Isabay mo na kaya ang pag-post sa Facebook! Kakainis!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007