by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Ang ingay ng aso ng kapit-bahay namin. Tahol ng tahol! Lahat ng dumadaan, tinatahulan. Ultimo ipis, langgam, butiki at langaw, tinatahulan. Umaga, tanghali at gabi, tahol ng tahol. Nakakarindi na! Bakit ba tumatahol ang mga aso?
Ronald ng Marikina
Hi Ronald,
Kaya tumatahol ang mga aso kasi hindi sila makapagsalita! Ikaw ba naman hindi makapagsalita, malamang tatahol ka na lang!
•
Hi Alex,
Babae po ako at madalas ako mag-gym. Ang napapansin ko, mas madami ang mga lalake kesa sa babae na nagpupunta sa gym. Bakit po mas madaming lalake ang nagpupunta sa gym?
Tanya ng Quiapo
Hi Tanya,
Bago ko sagutin ang tanong mo, may ipapaliwanag muna ako. Dalawang klase ng lalake ang pumupunta sa gym. Una, ang tunay na lalake, yung macho, yung babaero, yung mahilig sa chicks. Yung pangalawa, yung paminta, pa-men, yung ang type kapwa lalake rin pero hindi nagpapahalata kaya nagpapalaki ng katawan. Ayan ang dalawang klase ng lalake na nagpupunta sa gym. Ngayon, para sagutin ang tanong mo, bakit mas madami ang nagpupuntang lalake sa gym, kasi, yung mga tunay na lalake, nanunuod sa mga babaeng nag-gi-gym! Yung mga paminta, madalas naman sa sauna o steam room para makatabi yung mga lalakeng type nila!
•
Hi Alex,
Nagdra-drive po ako ng kotse at mainitin po ang ulo ko lalo na kapag traffic at nakakasabay ko ang mga driver na makukulit sa kalye. Yung mga driver na bigla na lang sisingit o bigla na lang. Halo-halo na sila sa daan, may driver ng jeep, bus, taxi, motor o maging private cars na rin! Ang problema, hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko at ang bilis uminit ng ulo at gusto ko silang babain. Ano ba ang gagawin ko?
Roger ng Pasay
Hi Roger,
Hindi kita masisisi kung uminit ang ulo mo sa kalye. Pero wag mong bababain, mapapa-away ka niyan. Gayahin mo ako! Mainitin din ulo ko, sumisigaw, nagmumura, lahat ng masasamang salita sinasabi ko sa mga driver na makukulit. Hindi ko nga lang binababa ang salamin ng bintana kaya hindi nila naririnig! Pero nailabas ko yung init ng ulo ko! Subukan mo! Ang saya!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007