SAN FERNANDO, Pampanga (PIA) – Nakipagpulong kamakailan si San Fernando mayor Edwin Santiago sa mga lokal na opisyal ng Kikugawa City sa Japan upang patibayin ang ugnayang pang-ekonomiya sa pagitan ng dalawang lungsod.
Sa tatlong araw niyang pagbisita sa lungsod ng Kikugawa, ibinahagi ni Santiago na natalakay ang pagtutulungan ng dalawang lungsod sa pagpapaunlad ng teknolohiya, pagkakaloob ng teknikal na tulong at pagmomodernisa ng agrikultura, lalo na sa produksyon ng green tea.
Aniya, kilala ang Kikugawa sa produksyon ng tsaa, kung kaya nagpahayag ng kagustuhan ang mga opisyal nito na i-export ang produkto nilang green tea dito.
Nais nilang ang San Fernando ang manguna sa pagpapakilala ng produksyon ng green tea sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga tindahan ng tsaa sa lungsod.
Dagdag pa ni Santiago, naka takdang tumungo sa Japan ang ilang mga negosyante at kawani ng San Fernando upang talakayin ang detalye ng posibleng kalakalang ito.