PANIBAGONG mukha muli ang napapanood gabi-gabi sa pagpasok ng karakter ni Jessy Mendiola na magpapaigting sa puwersa ng Vendetta sa nangungunang serye sa bansa na “FPJ’s Ang Probinsyano.”
Ginagampanan ni Jessy si Andy, isang medical doctor na tumulong na gamutin ang sugat ng miyembro ng Vendetta matapos ang engkwentro ng grupo sa kampo nina Hipolito (John Arcilla) at Alakdan (Jhong Hilario).
Karagdagan nga ang Kapamilya actress sa listahan ng mga malalaking bituin na naging parte ng bagong yugto ng serye. Natunghayan na rin kamakailan sina Dawn Zulueta, Alice Dixson, Rowell Santiago, at Edu Manzano na gumaganap bilang mga maimpluwensyang pamilya na nakatakdang maging katunggali ni Cardo (Coco Martin).
Sa pagpapatuloy ng kwento, lubos na ang pagpupunyagi nina Hipolito at Alakdan matapos nilang pulbusin ang Vendetta, at puruhan pa ang pinuno nitong si Romulo (Lito Lapid). Ngunit sa aktong ililigpit na ng mga pulis ang bangkay ng mga namatay, nagulat ang lahat ng ideklarang buhay pa si Romulo at nakaligtas mula sa pamamaril ng mga kalaban.
Ang pagkabuhay kaya ni Romulo ang tatapos sa kasamaan ni Hipolito?
Tutukan ang maaaksyong tagpo sa nangungunang serye sa bansa, ang “FPJ’s Ang Probinsyano,” gabi-gabi sa ABS-CBN at sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167). Para mapanood ang past episode ng palabas, mag-log in lamang sa iWant TV o sa skyondemand.com.ph para sa Sky subscribers.