Isang construction worker at isang 62-taong gulang na babae ang naaresto ng police sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City noong Huwebes ng gabi.
Dinakip ng anti-narcotics operatives ng Caloocan police sina Erwin Lacaba, 32, at Thelma Macabalo, kapuwa residente ng Caloocan City.
Ayon kay Senior Inspector Allan Hernandez, city drug enforcement unit head, na tinarget ng operation nila si Lacaba matapos makatanggap ng report tungkol sa kaniyang involvement sa illegal drugs. Ang pangalan ng dalawang suspek ay wala sa drug watchlist.
Ang dalawa ay dinakip matapos nilang maiabot ang isang sachet ng shabu na nagkakahalaga ng R500 sa poseur-buyer sa Bayani Street, Barangay 37.
Nang kapkapan ng police, isa pang sachet ng hinihinalang shabu ang nakuha kay Macabalo, ayon kay case investigator SPO1 Ryan Escorial.
Sasampahan ng kaukulang kaso ang dalawa na ngayo’y nakakulong sa Caloocan police detention cell. (Kate Louise B. Javier)