LUBOS na pinag-usapan sa social media ang madamdaming eksena ng “The Good Son” noong Biyernes (Marso 23) kung saan ipinakita ang hinagpis ni Joseph (Joshua Garcia) sa pagkamatay ng kanyang inang si Raquel (Mylene Dizon), kaya naman umani ito ng libu-libong tweets at papuri mula sa netizens.
Kinaantigan nga ang eksena kung saan natunghayan ni Joseph ang malagim na kamatayan ni Raquel, na nauwi pa sa muntikang pagpapakamatay ng binata matapos niyang hugutin ang baril ng isang pulis at itutok ito sa kanyang sarili dahil sa kinahinatnan ng ina.
Dahil nga sa makapigil-hiningang eksena, inulan ng papuri ang cast, lalo na ang bida na si Joshua, para sa kanyang makatindig-balahibong performance, na naging trending topic pa hanggang Sabado (Marso 24) sa patuloy na pagdagsa ng tweets ng netizens para sa matinding eksena.
“Tonight was one of Joshua Garcia’s finest moments in his acting career. Your acting is becoming a brand! Joshua Garcia has a long way to go,” sabi ni @saavedra_mark.
“Ito ‘yung eksena na kahit ilang beses ko na napanuod naiiyak pa rin ako. Ang galing ni Joshua dito,” papuri naman ng Facebook user na si Kengkeng Alejandrino.
“It’s like watching a drama serye again from the 90’s kung saan pahusayan ang labanan hindi ingay ng fans.Tunay na talento, isasama ka sa nararamdaman niya,” komento ng YouTube user na si Lurker Lang.
Bukod naman sa pangunguna sa social media, nanalo rin sa national TV ratings ang “The Good Son” at nagkamit ng 20.2% noong Biyernes (Marso 23), kumpara sa “The One that Got Away” na mayroon lamang 12%, ayon sa datos ng Kantar Media.
Panoorin ang “The Good Son” sa ABS-CBN o sa ABS-CBN HD (SkyCable ch 167).