INAMIN ng Kapuso star na si Barbie Forteza na mas mabuting magkaibigan na lamang sila ng Kapuso hunk na si Derrick Monasterio kesa maging seryoso sa relasyon.
Sa katatapos na grand press conference ng “Almost A Love Story” ng BG Productions, inamin ni Derrick na isa si Barbie sa kanyang naging “the one that got away.”
“Isa ka dun,” ayon kay Derrick patungkol kay Barbie.
Sagot ni Barbie: “Wow ang dami ah! Alam ba nila? Kasi kami ni Derrick matagal na kaming close. ‘Tween Hearts’ pa lang. After nun, nagkaroon kami ng chance na maging on-screen partner kami sa ‘La Luna Blanca,’ ‘Anna Karenina,’ ‘The Road,’ so marami pong chance.”
Dagdag pa nya: “May mga times na lumabas kami and ayun, nagluto kami ng lasagna sa bahay nya with my parents.”
“Kaya lang, parang na realize ko mas tumatag ang friendship namin at parang ang daming nangyari sa buhay ko, andyan pa rin si Derrick. Feeling ko good decision na parang almost a love story na lang kami,” ayon kay Barbie.
Nang tanungin kung nanghihinayang ba si Derrick, sagot ng aktor: “Meron din po kasi si Barbie lang ‘yung na in love ako ng dalawang beses. Tutoo ‘yun.”
“Dati kasi ayaw nya sa akin. Nung niligawan ko sya for the first time binasted nya ako pero na-in love pa rin ako sa kanya,” ani Derrick.
Sinabi rin ng aktor na hindi pa rin nawawala ang kanyang paghanga kay Barbie at naging busy lang silang dalawa kaya hindi na muna nya nabigyan ng oras ang tungkol sa relationship.
Sinabi rin ni Barbie na naniniwala sya sa long-distance relationship.
“Yung ate ko at long-time BF nya, long distance ‘yun. Nasa Chicago ‘yung guy tapos si ate nasa Pilipinas lang sya. So ngayon magkasama na sila. Si ate nasa Chicago na. Feeling ko depende sa tao.”
Tinanong din ang dalawang stars kung hanggang saan nila ipaglalaban ang sarili sa pag-ibig.
“Siguro kung may iba na sya, doon mo i-le-let go, of course. As long as hindi pa asawa, OK pa,” ayon kay Derrick.
Sagot naman ni Barbie: “Sa akin kasi, parang malinaw na senyales na kapag mahal mo pa, ipaglaban mo. Pag-feeling mo may doubt ka na sa sarili mo, pwede naman hindi at kung may iba naman, stop na huwag mo ng ipilit.”