By Ariel Fernandez
Isa namang Overseas Filipino worker (OFW) ang nagsampa ng reklamo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) police matapos na biglang maglaho sa kaniyang bag ang mga pasalubong niya sa kanyang pamilya.
Mangiyak-ngiyak si Lea Mae Cabalan, 25, tubong Bukidnon, nang ma-discover niya na nawala ang kaniyang pinamili sa Kuwait par asana sa kaniyang pamilya.
“Noong umalis ako sa Kuwait hindi ko halos mabuhat ang bag ko na naglalaman ng mga canned goods, mga damit, at iba pang mga mahahalagang gamit ko; pero nang makita ko dito sa Manila airport bigla na lamang magaan na at halos kalahati ang nabawas sa laman ng bag ko,” pahayag ni Cabalan.
Ayon kay Cabalan, connecting flight siya via Qatar Air flight QR- 934 at pasado 6 a.m. nang lumabas ang kanyang bag sa conveyor ng NAIA Terminal 1. Nang makita niya ang kaniyang bag, sarado naman ang zipper nito pero napansin niya na mali na ang posisyon ng lock na kanyang inilagay at nang buhatin niya ito ay napakagaan na at kakaunti na lamang ang laman.
Agad siyang nagreklamo sa airlines crew kung bakit nawala ang iba niyang gamit sa loob ng kaniyang bag. Mabilis naman na kumilos ang airport police at sinuri ang lahat ng anggulo ng CCTV pero walang nakita na hinawakan ang kanyang bagahe o mga bagahe ng Qatar Air nang lumapag sa NAIA.
Hindi kumbinsido si Calaban na ninakawan siya sa Kuwait at palaisipan kung papaano nabuksan ang kanyang bagahe na walang sira at naka-zipper pa rin ang bag niya. Aniya, pinili lamang ang kinuha sa kaniyang bag.