By Alexandria Dennise San Juan
Inilunsad ng Quezon City Police District (QCPD) ang kauna-unahang anti-cybercrime team office sa police district level na nagnanais na palawigin pa ang pagsawata sa mga online crimes sa siyudad.
Pinangunahan ni QCPD director Chief Supt Guillermo Eleazar ang inagurasyon ng Anti-Cybercrime Team (ACT) office sa QCPD Headquarters sa Camp Karingal na ani opisyal ay “dream come true” para sa kanilang kapulisan.
Ang pagtataguyod ng ACT ay pinondohan ng QC Local Government sa pangunguna ni Mayor Herbert Bautista na dumalo din sa okasyon.
Si Eleazar naman, minsan nang naging director ng PNP-Anti-Cybercrime Group, ang nag-initiate ng pagtaguyod ng ACT para sa proteksyon ng QC residents laban sa mga online crimes.
Si dating Cyber-Terrorism Response Team ng PNP-ACG head Chief Inspector June Abrazado ang siyang mamumuno ng ACT upang maibahagi naman nito ang kaniyang technical assistance sa mga police stations at ibang pang mga units, pagsasagawa ng cyber patrolling na magmo-monitor ng criminal activities at reports ng mga netizens.
Tututukan din ng group ang top investigated cybercrimes na ayon kay Eleazar ay mga online scam, online libel, online threat, identity theft at hacking.