By Danny J. Estacio
TAGKAWAYAN, Quezon – Isang buntis na public school teacher ang namatay rito Linggo makaraang sumalpok ang sinasakyan nitong van sa isang waiting shed bago tuluyang malaglag sa isang bangin.
Ayon sa pulisya nangyari ang insidente dakong alas-kuwatro ng hapon sa Barangay San Francisco dito.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Sagira Haji Lomondot Ebrahim, 31.
May walong iba pa ang nasaktan sa insidente. Ito’y sina Salmira Ebrahim Haji, 19; Alnor Haji Lomondot, 3; Karen Versosa Galica, 20; Don Robert Versosa Galecia, 1; Jericho Versosa Sablayan, 7; Jonard Lomondot Pusengan, 19; Camalodeng Matanog Lomondot, 35; at isang nangangalang “Allan.”
Naisugod sila ng mga rumepondeng awtoridad sa Ma. Lourdes Eleazar Memorial District Hospital kung saan kasalukuyan silang nagpapagaling.
Umamin ang driver ng van na si Alinor Milican Lomondot, 24, na nawalan siya ng control sa behikulo kanya’t nangyari ang malagim na trahedya.