by Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Ikakasal ako at ang kababata ko ang kukunin kong best man. Bakit ganun, ang groom ang ikakasal pero may best man pa. Hindi ba dapat yung groom ang best man kasi siya nga ang ikakasal? Nakakainsulto naman!
Martin ng Divisoria
Hi Martin,
Tanong ko rin ‘yan Martin! Bakit hindi ang groom ang best man! Minsan tuloy natatakot din ako kasi mamaya, sulutin ng best man ang bride mula sa groom! Pero nalaman ko na kaya best man kasi bestfriend siya ng groom kaya OK na rin!
Huwag ka ng magreklamo na may best man mas dapat magreklamo ‘yung best friend ng bride, kasi hindi best woman ang tawag sa kanya, maid of honor! Hindi nga siya ang ikakasal, ginawa pa siyang maid!
•
Hi Alex,
Nabalitaan ko na madalas ka pumunta sa Malaysia at nagpe-perform ka ng stand-up comedy dun. Magbabakasyon kasi kami ni misis at gusto naming makamura. Kapag nagpupunta ka dun, saang hotel ka madalas nagche-check-in?
Percy ng Makati
Hi Percy,
Sa Tune Hotel ako madalas pumunta. Mura dun, maganda ang service at malapit pa sa mall at mga kainan. Maganda ang service kasi araw-araw, nagpapalit ng bedsheet. Minsan nga, nagpapalit ng bedsheet habang natutulog pa kami. Magigising ka na lang binubuhat ka ng room boy para palitan ang bed sheet.
OK din ang shower, may hot and cold. Naliligo ko, sa simula hot, biglang magiging cold, parang relasyon lang!
Maliit din ang mga sabon, parang single use lang. Sa sobrang liit, akala mo hawak mo pa siya, yun pala tunaw na.
Eh mura naman siya kaya hindi na ako nagrereklamo, kapag gustong magtipid, ‘wag maging choosy!
•
Hi Alex,
Ang daming langaw sa bahay namin! Ang kukulit, laging dumadapo sa mga pagkain namin. Lahat ginawa ko na, spray, kandila, pero hindi effective. Ayaw din lumabas ng bahay! Hindi ko alam kung paano sila nakakapasok!
Hirap na hirap kami kumain dahil laging nakaabang sa pagkain namin! Ano po ba ang magandang gawin?
Sonya ng Valenzuela
Hi Sonya,
Kung nasa loob sila ng bahay at ayaw lumabas, kayo na ang mag-adjust, kayo na ang lumabas. Ilabas niyo ang lamesa at sa labas kayo kumain!
•
Sa mga gustong magtanong sa akin, e-mail lang kayo sa [email protected] o Facebook/Twitter/Instagram: alexcalleja1007.