By PIA
May bagong ordinansa ang lungsod na nagtatakda ng disciplinary hours sa mga menor de edad.
Pirmado na rin ni Mayor John Rey Tiangco ang implementing rules and regulations (IRR) nito.
Ayon sa City Ordinance No. 2017-16, mula 10:00PM hanggang 4:00AM ang curfew ng mga batang edad 18 pababa at mapaparusahan ang kanilang mga magulang o tagabantay kapag nalabag ang batas na ito.
“Hangad namin na maituro sa kabataang Navoteño ang halagahan o values ng disiplina at pagsunod. Kasabay nito, gusto rin nating masiguro na parati silang ligtas at napapangalagaan ang kanilang kapakanan,” ani ng alkalde.
Dagdag pa ni Tiangco, ang nasabing ordinansa ay maghihikayat sa mga magulang at tagabantay na maging alisto at gawin ang kanilang pananagutan.
“Bilang mga magulang, tungkulin natin na protektahan at idisiplina ang ating mga anak. Dapat isa sa mga pinaka-prayoridad natin ang kanilang kaligtasan at kapakanan,” aniya.
Nakasaad sa IRR na bawal lumaboy sa lansangan o manatili sa pampublikong lugar ang mga menor de edad, mag-isa man o kasama sa grupo, tuwing disciplinary hours nang walang makatuwirang dahilan.